Thursday, January 31, 2013

TILAMSIK First Solo Show Filipiniana Gallery, Silahis International Hotel, Roxas Blvd., Manila April 1985


BULAY-KULAY ni V.E. Carmelo D. Nadera, Jr.
The Varsitarian, May 20, 1985

TILAMSIK, Unang Solong Eksibisyon ni Pinggot Vinluan Zulueta 
Filipiniana Gallery' Silahis International Hotel

Bakit kailangan ko pang manlambat ng talinghaga?
                                                                            -Teo T. Antonio
                                                                           “ Pamamangka ”


Magbulay-bulay sa mga kulay?

Subukin ninyong papag-isipin ang inyong mga mata.

Sadyain ninyong mabuong unti-unti sa paningin , na ang lila ay ang pinagtabing bughaw at pula,na ang berde ay ang pinagdikit na dilaw at asul, o ang abo ay ang pinagsiping na itim at puti. Bayaan ninyong umagpaw sa imahinasyong payak ang mga basal na bagay, mga kaanyuang sa umpisa ay walang katuturan, mga kahulugang sa simula ay hindi makabuluhan.

Sa una, tunay na may kahirapang ilarawan-diwa ang di-kagyat na di makita. Tuloy ipinipilit nating magkasing-kahulugan ang ating pakiwari sa tunay na ibig sabihin ng mga may-likha o may akda. Kung hindi man, iginigiit nating nahuhuli, kahit papaano, ng ating pagsisiyasat o pag-uurirat  ang mga tagong simbolismong isinaplak halimbawa mismo ng  isang pintor na isipnon sa bawat linya, sa bawat hugis, sa bawat sukat na kaniyang kinatha. Sabi nga, bigyan mo ng dibuho ang libong katao at libo-libo ring pakahulugan ang matatanggap mo. Iba ang sa kanya. Ibang-iba ang sa kanila. Iba-iba ngang interpretasyon  mula sa iba’t-ibang isip.

Si Zulueta man ay di-kakaiba.

Tilamsik – ang kaniyang talinghaga. Kubkob sa likod ng kaniyang pinsel at pintura ang kalatas na nagdudulot –halaga sa kariktan ng gawa. Ipinapahayag ng kaniyang mga wasiwas at hagkis sa mga lonang magkakasinlaki ang pagmamalaki sa mga biyayang hatid ng dagat. Giniginto niya ang mga mulinyong pagbibigay-buhay sa simpleng kakanyahan ng baklad, sagwan, Bangka, katig, layag at lambat maghanggang sa mga mumunting bagay na namamagitan sa mga ito at sa dulang dinidiyos ng mga mangingisda matapos ang maghapong pamamandaw. Lalang ng matiyagang pag-uusisa, mababanaag din sa kaniyang mala-Monet na pagtatampisaw sa sining ng dapithapon, na ipinahihiwatig nga ng impresyonismong damusak ng Karagatan , ang maka-Diyos  niyang pananaw. Naroroon sa Biyaya ang ilan sa mga sumasalaming salik sa kaniyang pagpapasalamat sa mga kaloob-kalikasan. Pagtanaw din niya, marahil, ng utang na loob sa kaniyang narating.

Para sa mga higit na nakakikilala sa Tomasinong kulayerong ito, ang ganitong paksang kaniyang itinatanghal ay kabalintunaan. Taliwas sa mga temang nagpabantog sa kaniyang kakayahan noong kabilang pa siya pahayagang ito, sa The Flame, Purple Gazette o sa CS Journal. Hindi iilan ang naghanap sa mga matitinding paglalarawan ng buhay-welgista, nangaghihiyawang mga mukha ng mga piyon at obrero, pagpipista ng mga nakangiting-asong de baril, at ilan pang iginuhit niyang tumatalakay sa masidhing hilahil ng mga aping nasa-ibaba sa lipunang ipinapalagay niyang iniilalim ng bagunsakup-bayan. Bagamat ito nga ang kaagad na umiiral na reaksiyon kakatwang mapapansin nang lubos ang pagtanggap sa kaniya bilang isang masasabing establisadong baguhang pintor. Kung isasaalang-alang pa ang kaniyang maikling paghahanda sa eksibisyong ito, di maiiwasang salubungin siya ng mas masigabong palakpakan.

Si Zulueta nga ay di-kakaiba.

Bilang isang tapat na makasining, ang ibang pula at paglibak na kaniyang tinamo – dahil nga sa kaniyang “pag-iibang-kulay” – ay tandang hamon at kakikitaan pa rin siya ng sigla ng kabataang bihasa sa mga banta ng pagsubok.Batid nga niyang itong unang pagpasok niya nang pormal sa kabayanan nina Amorsolo at iba pa ang siyang maaaring magpabagsak o magpabangon sa kaniyang ibinabandilang pangarap: ang pagpipitaganang Pinggot sa hinaharap. Nais niyang maging tanyag,maging kilala sa taguring kinasanayan na ng kanyang barkada – mga suhay sa dampang kanyang buong gilas na itinayo sa gitna ng sigwang mapanglaw ngunit di-mapanganib.

Si Zulueta talaga ay di-kakaiba.

Siya ang huwarang gurong hindi napadadala sa nangingibabaw na kalakaran sa materyalistikong pagtuturo. Nadadalumat niya na ang taglay niyang araling isisiwalat sa ngayon ay may may ibubunga baling-araw. Natatalos niyang kahit halos tungkol sa kapangaran ang karamihang laman ng kani-kaninong kanba, may maiiwan siyang kintal sa ulirat ng mga manonood, gising man o tulog. Kahiman kailangan mo pang maglaan ng ilang saglit sa pagtitig sa kaniyang mga de-kuwadrong pinagsumikapan, makakatas mo pa rin ang mensaheng di-lantad niyang inilahad. Sa pamamagitan ng pag-asang ipinamumulat niya sa atin, sa pagitan ng bawat kislap at karimlang kaakibat ng kaniyang obra, tinuturuan niya tayong samantalahin ang panahon sa may katuturan, may kahulugan,may kabuluhang pagninilay-nilay sa mga mahiwagang pumpon ng liwanag – ang pagbubulay-kulay!




                                               Tanglaw sa Magdamag
                                               Oil on Canvas, 1985

                                                       Mangingisda
                                                       Oil on canvas, 1985
                                                    Mag-anak
                                                    Oil on canvas, 1985
                                                 
                                                  Laot
                                                  Oil on Canvas, 1985

No comments:

Post a Comment