Mga Kuwentong –Bayang Walang Kamatayan
By Virgilio S. AlmarioNational Artist for Literature
Manila Bulletin
September 2002
( Excerpt from the book “ Asinta: Mga Tula at Tudla” which will be launched on Tuesday, September 17, 6 p.m., at the RCBC Plaza lobby, Ayala Ave., Makati City, coinciding with the digital art exhibit opening “ Asinta: Images and Imageries” featuring the works of visual artist and photojournalist Pinggot Zulueta. “ Asinta” is presented by RCBC, Canon Marketing Philippines, Philippine Tourism Authority, the University of Santo Tomas Publishing House and Manila Bulletin. The exhibit runs until Sept. 30.)
Hindi biro ng tadhana ang tambalan ng pintor-potograpong si Pinggot Zulueta at ng makatang si Vim Nadera sa isang proyektong tulad ng Asinta. Matagal na silang magkasama . Kapuwa sila nag-aral at nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at magkasabay na naglingkod sa The Varsitarian. Nakilala ko sila noong mga estudyante pa sila ngunit lubusang nakilala sa panahong lumilipas ang diktadurang Marcos: si Vim nang mapabilang sa unang pulutong ng kabataang makata sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo ( LIRA) at si Pinggot bilang potograpo at kartunista sa Abante. Marami silang magkawangking katangian. Kapuwa sila mahilig tumawa, bagaman nakauungos si Vim kay Pinggot sa hilig magpatawa. Ngunit kapuwa rin sila nagkikimkim ng masigla’t mahirap kumupas na pag-ibig sa bayan at pakikiramay sa api’t maralitang sektor ng lipunan.
Sa abot ng aking kaalaman, hindi naging kasapi ng alinmang kapisanang aktibista sina Pinggot at Vim. Ngunit sinimsim nila’t isinaloob ang diwa ng aktibismong pampolitika’t pangkultura mula sa panahon ng kanilang pagkamulat habang nag-aaral sa UST at masigasig na nililimi hanggang sa nakatampok na mga likha’t akda nila sa koleksiyong ito.
Ang mga likha ni Pinggot, lalo na, ay mistulang isang pagbabalik sa mga mala-bangungot na larawan ng kairalan mula sa panahon ng diktadura at Batas Militar. Pinakatuon ng kaniyang gunita’t haraya ang laganap na pagdarahop ng sambayanan, ang paghahari ng karahasan, ang mabuway na kasarinlan dahil sa patuloy na pakikialam ng imperyalismong Amerikano, at ang mailap na pagkakaisa ng buong kapuluan. Kaugnay ng mga larawan ito ang pagwaldas sa kagubatan at yamang-likas ng bansa at ang talamak na korupsiyon sa gobyerno at pang-itaas na saray ng lipunan.
Totoong marami sa mga drowing at karikatura ni Pinggot ay produkto ng magulong dalawang pangwakas na dekada ng ika-20 siglo, kaya tampok sina Ninoy, Tita Cory, Gringo, Fidel, Cardinal Sin sa piling ng mga barumbarong, armalayt, kalbong bundok, pulubi, biktima ng iba’t ibang uri ng dahas at paglabag sa karapatang pantao, at polusyon. Ngunit mapapansing nagbago man ang ilan sa tauhan ay hindi nagbabago ang bisyon at komentaryong nakapatnubay sa mga larawan ni Pinggot ng kasalukuyan. Paulit-ulit ang pahayag. Bakit? Sapagkat waring nasadlak sa isang malagkit na kumunoy ang Filipinas, nadikit sa isang panahon ng lagim at himutok, at hindi nagbabago Sa kabila ng nakalipas na mahigit dalawang dekada.
Nananalig ang haraya ni Pinggot sa pagtatambad ng surreal at groteskong piraso ng realidad at pagtutumbas na nagdudulot ng mapapait na parikala. Sa simbolismo ng kaniyang karikatura karaniwang markang bungo at nakakasindak ang mukha ng kontrabida. Gulanit, payat, hubad, at nakapailalim ang biktima ng mga panlulupig at abuso. Marungis lagi ang kaligiran, nag-iilap ang kalikasan, at waring lubos nang pumanaw ang ngiti sa buong lupain. Ganito ang ulit-ulit na kuwentong-bayan sa mga larawan, guhit, at karikatura ni Pinggot Zulueta.
Ganito rin ang katotohanang nasa puso ng mga tula at awit ni Vim Nadera. Isang mundo itong pinamamayanihan ng iilang mariwasa, makapangyarihan, at sinaunang diyos-diyusan. Nasa ilalim nila ang napakaraming dukha’t kaawa-awa — mga nilikha ng sari-saring kamangmangan at masalimuot na kasaysayan ng panlulupig at panlilinlang. Sa gunita ni Vim, nagsasanib ang mitolohiya at ang kasaysayan, ang alamat at ang balita sa peryodiko, upang lalong tumingkad ang katotohanan ng kaniyang komentaryo sa kasalukuyan.
Ngunit ang pagdukal sa higit na malayong nakalipas — sa panahon ng panitikang pabigkas at sa nakasulat na ilang dantaon ng kasaysayan ― ang nakapagdudulot ng lalim sa dimensiyon ng katotohanang pangkasalukuyan na pinagsasaluhan nila ni Pinggot. Ito rin ang nagpapatiim sa masisteng paghahanay niya ng kakatwa't balintuna at nakatutuwang paglalaro sa salita.
Maliwanag pagkatunghay sa Asinta na may iisang inspirasyon ang mga larawan at mga tula ngunit may magkaibang sinapupunan. Kung anak ng kundiman at hibik ang mga likha ni Pinggot, supling naman ng mapanudyong " Doon Po Sa Amin" at mapang-uyam na "Buhay Maynila" ang mga tugma ni Vim.
Marahil, may kaugnayan sa naturang magkaibang temperamento ang kanilang kasalukuyang trabaho. Isang fulltime photographer si Pinggot sa peryodiko ― araw-araw ay taimtim na hinaharap ang kasalukuyan sa pamamagitan ng lente ng kaniyang kamera. Sa kabilang dako, bukod sa isang guro sa unibersidad ay apostol ngayon si Vim ng performance poetry ― nabibihasang magtanghal ng katotohanan sa nakakaaliw na paraan. Mahahalata ang kasanayang ito sa kaniyang mga adaptasyon, hango, at panggagagad ng mga kantahing -bayan at popular na anyo, lalo na yaong ginamit niya sa kaniyang paghaharap sa madla.
Isang mahirap malimutang larawan ni Pinggot ang " Pamilyang Pinoy....Salat sa Yaman" (1989), isang kuwadrong nahahati sa dalawang pilas. Nasa pang-ibabang pilas ang tatlong pigura ― ang ama, ang ina, at ang anak ― na pawang nakatingala sa langit sa gitna ng isang walang-buhay na lupain. May hawak na walang-lamang mangkok ang anak. Nakabuka ang kanilang mga bibig, maaaring humihibik o dumadasal ng biyaya. Nasa pang-itaas na pilas naman ang hapag ng kasaganaan, mga gulay, isda, karne, at pagkaing tila nakatinggal sa tiyan ng ulap at ipinagkakait sa kabila ng hibik at panalangin ng nasa pang-ibabang pilas.
Ito kung sakali ang isang lagom ng mga walang kamatayang kuwentong-bayan na likha ni Pinggot. Sa ibang larawan, ipakikita pa kung paanong dinadahas ang pinagkakaitang mag-anak na Filipino. Sa iba pang larawan , ipakikita naman kung paanong kinakamtan at nilulustay ng mga lider ng bayan ang anumang biyayang dapat sana'y pagsaluhan ng buong sambayanan. Wika nga ni Vim, hindi lamang walang -kamatayan ang mga kuwentong ito kundi walang katapusan din ang pagkukuwento nito, at pasubali niya bilang tagapagsalaysay:
Balang-araw magiging lolo akong
hanggang sa tuhod ay magkakaapo
pero pag ako ay pinagkuwento--
gunitang ganito ba ay may curfew?
Isang tanong itong pasagusay at masasagot lamang ng patuloy na pagtatanghal ng mga likha at akdang tulad ng Asinta nina Pinggot at Vim hanggang hindi nagbabago ang ating mundo. Hanggang sa magbago ang ating mundo. Iyon naman ang ating pag-asa habang tumutunghay at nagbabasa ng ganitong aklat.
Ferndale Homes
11 Agosto 2002
From left- RCBC's Helen Yuchengco-Dee, AusAid First Secretary
Patricia Ludowick, former PM Cesar Virata and Presidential Spokesman Ignacio Bunye.
Patricia Ludowick, former PM Cesar Virata and Presidential Spokesman Ignacio Bunye.
with Australian Ambassador Ruth Pearce.
No comments:
Post a Comment